Wednesday, November 23, 2016

Manilakbayan 2016


Noong ika-26 ng Oktubre, kami ay nagpunta sa Unibersidad ng Pilipinas (UP Diliman) upang dumalo sa Manilakbayan 2016. Sa kampuhan ay nakapanayam namin ang isang estudyante mula sa UP Diliman na si Mr. Ben Te. Parte siya ng Student Council sa unibersidad na iyon at isa sa mga nag-organisa ng taunang pagtitipon ng mga katutubong Lumad at Moro mula sa Mindanao.



  Ayon kay Kuya Ben, ang Manilakbayan ay isang pambansang lakbayan ng mga pambansang minorya para sa sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan. Ito'y isinasagawa upang palakasin ang panawagan nila, lalo na ang panawagan nila na patungkol sa sariling pagpapasya at bakit ito mahalaga sa kanila. Ang Lakbayan ay matagal na ring ginagawa ng mga magsasaka mula sa iba't ibang rehiyon para palakasin ang laban nila para sa reporma sa lupa, suporta sa kanilang mga sakahan ngunit ang Manilakbayan naman ay unang ginawa noong taong 2014 (Manilakbayan ng Mindanao). Ang ating mga katutubo sa Mindanao ay napapabayaan ng ating gobyerno at dahil dito, kinakailangan nilang magpunta dito sa Maynila. Taong 2015 naman ay doon lamang nagsimula ang kampuhan ng mga katutubong Lumad at Moro sa UP Diliman. 

Una sa lahat, nagtagumpay ang kinatawan ng mga Lumad na ipahayag ang kanilang dinaranas sa kanilang mga tinitirhan. Ipinakita nila ang dahas na ibinibigay ng mga sundalong Pilipino na kumampo sa kanilang bayan. Pinakita rin nila kung ano ang kakayahan ng mga Lumad sa pamamagitan ng paglakabay patungong Maynila para ipahayag sa gobyerno ang kanilang problema tungkol sa kanilang lupain. Nagtagumpay din ang mga Lumad na ipakita ang importansya ng kanilang kultura na karapat dapat namang alagaan ng lipunan. Ang mga suliranin na ikinaharap ng mga Lumad at ang mga kinitawan nito ay ang tiyempo ng kanilang pagkilos patungkol as aspeto ng lagay ng panahon at tiyempo ng mga kaganapan. Isa na doon ang nangyaring pagatake ng mga pulis na nakaantabay sa US embassy sa mga Lumad na mapayapang isinisigaw ang kanilang paninindigan. Sa lahat ng tagumpay na nakamit at suliranin na hinarap ng mga Lumad, mas importante parin na makuha nila ang pangunahing kadahilanan kung bakit sila napatungo sa Maynila at yun ay ang pagpapaalis ng mga kumpanya sa pagmimina at kasama narin ang mga sundalong Pilipino na hinaras ang mga Lumad.

Makakatulong ang pamahalaan sa mga adhikain ng mga katutubo, unang una ay sa pagtigil nila sa kanilang korupt na sistema. Dapat nilang ibigay ang pondo na nakalaan para sa mga katutubo at hindi ito binubulsa na lamang. Pangalawa, ay ang pag iimplementa at pagsasatupad ng mga batas na makakatulong sa kabuhayan ng mga katutubo at makakatulong sa mga katutubo maisagawa ang kanilang mga adhikain. Dapat din ay hindi nila ginagawang ignorante ang mga katutubo at hindi nila dapat nakawin ang mga karapatang pantao ng mga katutubo. Huli, makakatulong sila sa mga adhikain ng mga katutubo sa pagtigil nila sa pagharang sa mga katutubo. Hindi makakatulong ang pamahalaan kung sila mismo ang humaharang at nagpapahirap sa mga buhay ng mga katutubo.

Ang mga mag-aaral din o mga taga-Maynila ay maaaring makataulong sa mga adhikain ng ating mga katutubo. Una, dapat hindi nila gawing ignorante ang kanilang mga sarili. Hindi dahil sa hindi sila naapektuhan ay dapat wala na silang pakielam. Ang mga mag aaral o mga taga maynila na may kaalaman tungkol sa adhikain ng Manilakbayan ay dapat tumulong sa pagpapalakas ng boses na hindi pinapansin. Makakatulong ang mga magaaral sa paraan ng pagpopost ng mga pangyayare sa mga social media platforms upang makapag raise ng awareness ukol dito. Makakatulong din sila sa pamamagitan ng pagsali o pagpunta sa mga Manilakbayan, tulad ng aming ginawa noong nakaraan.



Matapos ang programa at pag-uusap sa kampuhan ay dumayo naman kami sa lugar kung saan nagpapahinga ang mga katutubo. Nakapanayam naman namin rito si Datu Isidro Indao.


Ilan sa mga dahilan kung bakit sumama ang mga katutubo ng Pilipinas sa Manilakbayan ay upang ipaglaban ang kung ano ay sakanila. Nais rin nilang palayasin ang mga militar na hanggang ngayon ay patuloy na gumagamit ng dahas upang takutin sila, palayasin sila, at upang makuha ang kanilang mga lupa. Kanila ding ipinaglalaban na maitigil ang pagaatake sa kanilang mga komunidad at mga paaralan at magkaroon ng libreng edukasyon, ospital at panggagamot, at iba pang mga social services. Nais rin nilang paalisin ang mga U.S. troops dahil ayaw nila ng gera sa Pilipinas. Isinisigaw rin nila na mabigyan ng hustisya ang mga nangyaring krimen at hustisya para sa mga inosenteng buhay na napawi dahil sa walang awang pagpapatay ng mga militar. Handa silang ialay ang kanilang buhay upang maipaglaban at para sa totoong pagbabago ng Pilipinas at upang mabuhay ng matiwasay na walang pangangamba o takot sa mga darating na panahon.

Ang lupang katutubo ay mahigit-kumulang sa isang libo’t dalawang daang hektarya (1,200 hectares). Maraming mga isda sa kanilang malalamig at sariwang ilog. Mayaman rin ang kanilang mga likas na yaman at sa mga minerals tulad ng tanso, karbon, at gas. Kumukuha sila ng kanilang mga panggamot na herbs sa kanilang mga gubat. Ang mga pangunahing pinanggagalingan ng kanilang mga pagkain ay sa mga kabundukan, sa kanilang mga palayan, at sarili nilang lupa. Ilan sa kanilang mga pangunahing pagkain ay kamote, saging, mais, palay, kamoteng kahoy, at marami pang iba. Karamihan sa mga katutubo doon ay mga magsasaka na ngayon ay marurunong na at mayroong sariling irigasyon.




Sa kanilang pamayanan, ukol kay Datu, ay nandoon na lahat ng kailangan nila, maging ang irigasyon ngunit hindi ito mapabuti lalo sapagkat ang gusto ng ilang kumpanya ng pagmimina ay hindi umunlad ang komunidad nila dahil sa pananaw nila'y hindi na sila kakailanganin ng mga katutubo kapag ito ay nangyari. Natakot ang mga kumpanyang gustong pumasok sa ancestral domains ng mga katutubo kaya't dinaraan nila ito sa paraan ng dahas, lalo na ng hukbong sandatahan. 

Maraming nararanasang banta sa buhay ang mga katutubong Pilipino hindi lamang paminsan-minsan kundi araw-araw. Maraming mga katutubo ang nagboluntaryo upang turuan at bigyan ng edukasyon ang kanilang mga kabataan. Ngunit kapalit ng pagtuturo, ay ang panganib na maaring makuha ang kanilang buhay sa kadahilanang ayaw ng mga militar na matuto ang mga katutubo dahil hindi na sila madaling malilinlang. Isa rin ang lupa sa mga dahilan kung bakit maraming banta ang kanilang mga buhay. Nais ng mga militar na kunin ang kanilang lupain, ngunit ayaw pumayag ng mga katutubo. Dahil dito, ipinapatay ng mga militar ang mga Datu at mga inosenteng katutubo upang sila’y matakot at makuha ang kanilang mga gusto.

Napagkaisahan naming mga magkakagrupo na magkita kita sa unibersidad ng santo tomas bago magpunta sa mga kinalalagyan ng mga lumad. Nagkaproblema pa nung una dahil sa walang marunong pumunta ng UP Diliman. Naisipan naming sumakay ng fx na Fairview ang sakay at bumaba kami sa may bungad ng PhilCOA. Nang makababa kami, di na namin alam ang sasakyan. Ngunit may nakasabay kaming isa ring grupo na papunta sa mga Lumad at naisipan namin sundan sila. Nang makarating kami kung saan panandaliang naninirahan ang mga Lumad, mas napansin namin ang init at kasabay nito ang napansin namin kung gaano ka-tiyaga ang mga Lumad na naguusap tungkol sa kasalukuyanh sitawasyon nila at kung paano ito masusulusyunan. Habang pinagmamasdan silang nakatipon, di ko maiwasang maisip at magtaka kung gaano kahirap ang dinanas at dinadanas nila at kinailangan pa nilang lumayo sa kanilang mga tahanan para lamang mapansin ng gobyerno ang hiling nila. Nang makausap namin ang isa sa mga Datu, sadyang di kami makapaniwala sa mga ginawa ng mga sundalo sa kanya at sa kanyang tribo. Mabigat isipin na ang kapwa nating mga Pilipinong sundalo ang mismong gumagawa sa kanila nito. Hindi rin naman mapagtanto kung bakit isinasantabi ang mga tribo at bakit hindi sila pinahahalagahan. Hindi ba't sa kanila nagsimula ang mga kinikilala nating kultura? Inikot din kami sa munting museyo na inihanda nila para sa mga bumibisita sa kanila. Doon, makikita ang mga litrato ng mga panaslang na mga katutubo. Isa sa mga kasama namin sa aming grupo, ay hindi napigilan na maluha sa kanyang mga nakita. Mararamdaman mo sa kampo ng mga katutubo na hindi sila susuko para makamit ang hustisya. Bago kami umuwi ay napagtanto ko na biyaya ng Diyos ang pagpunta namin sa kampo ng mga katutubo sa UPD dahil mas nakilala ko ang aking sarili, mas naramdaman ko ang nasyonalismo sa bawat isa sa amin at higit sa lahat napansin kong mas magpupursigi kaming mag-aral ng mabuti para ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino.


Ang napag-usapan ng grupo namin ay ang bawat isa pala sa kanila ay may iba't-ibang istorya ngunit iisa lamang ang kanilang minimithi at ito ay ang makamtan ang tunay na hustisiya at mapasakanila ng ang kanilang sagradong lugar at ito ay maprotektahan sana ng maayos ng ating gobiyerno dahil ang kanilang minimithi lamang ay kapayapaan sa kanilang kapaligiran at maisantabi ang mala-koloniyal na pagpalitang pagsakop sa kanilang lugar.

Ang naramdaman ng grupo namin, nang marinig namin ang kwento ng mga katutubo na nakausap namin, ay napakalaki na karamdamang simpatya sa kalagayan at sa mga pinaglalaban nila ngayon. Tulad nga ng sabi nila, Para lubusang maintindihan ang buhay ng isang tao, kailangan daw natin maging tulad nila. Na makita at marinig ang mga pangyayari sa pamamagitan kanilang mga mata at tenga. At iyon mismo ang ginawa namin nung araw na iyon. Naglakad kasama nila at nakipagkwentuhan kasama nila. Naramdaman namin ang kanilang plight bilang isang estudyante, bilang isang kaibigan, at pinakamahalaga sa lahat, bilang mga taong nagmamalasakit.



Ang dapat na gawin ng pamahalaan upang tugunan ang isyu ng mga katutubo sa Pilipinas ay magpatupad ng batas ukol sa mga negatibong epekto ng land privatization at kapitalismo dahil ang mga minoryang ito ay umaasa sa mga lupaing ito para sa kanilang kabuhayan, at hindi lamang iyon, parte na rin ng kultura at buhay nila ang mga lupaing ito sapagkat iyon ay ipinagkaloob sa kanila ng kanilang mga ninuno. Isa pang dapat gawin ng gobyerno ay dapat pahalagahan ang mga pamanang ito at ang kultura ng mga katutubong Pilipino.


Sa kaalaman ng karamihan, ang mga katutubong Pilipino ay kadalasang nakatira sa liblib at mahirap puntahang mga lugar. Sila ay hindi kadalasang nakakaranas ng masarap at madaling buhay. Sa panahon ng kalamidad, sila ang pinakamahirap na puntahan upang matulungan ang mga nasalanta. Ang pinakamagandang tugunan na isyu ay ang isyu ng transportasyon at mga kalyeng dadaanan upang mapadali ang pagdala ng bagay na kailangan ng ating mga katutubo, lalo na sa panahon ng kalamidad.